Project Peregrino

Mga munting kwento ng mga migranteng Pilipino na magpapaiyak, magpapasaya at magpapagaan ng iyong kalooban

"Panganay ako sa pamilya, tatlo kaming magkakapatid. Mahirap lang kami. Walang permanenteng trabaho si tatay. Si nanay naman ay nananahi at nagtitinda ng kakanin."

"Ang tita ko ang nag-alaga sa akin. Working student ako noon. Computer science ang kinuha ko sa atin."

"Tapos, nagtrabaho ako sa Asian Development Bank."

"Gusto kong mag-abroad noon, sa Curacao sana, pero hindi natuloy. Nalungkot ako at tinanong ko si Lord, bakit."

"Bago umalis ang boss ko sa ADB, tinulungan niya akong makapasok sa UNISDR sa United Nations dito sa Geneva. Ngayon ko naintindihan. May mas maganda palang plano si Lord sa akin."

-Geneva

"Taong 1995 ako dumating dito sa Geneva, as tourist. Php 150,000 ang bayad namin sa nag-ayos ng aking papers. Yung mother ko kumuha sa akin, yung sister ko, nauna na dito."

"May dalawa akong kasama papunta dito. Nag-stopover kami sa Paris, tapos Lyon on the way to Spain. Pero sa Lyon, lumabas na kami ng airport para i-meet yung aming sundo na maghahatid sa amin sa Geneva. Mahirap pa noon dahil walang mga cellphone, kailangang bumili pa ng phone card. Sa awa ng Diyos, naka-usap namin yung aming sundo at eventually nagkita kami."

"At first, nahirapan akong mag-adjust. Unang work na nakita namin noon, malapit lang sa work ng mother ko. Kaso live-in, na homesick ako. Medyo nag-self pity ako. Kahit na alam ko na sa sa bahay ang magiging work ko dito, I was still hoping na makakapagtrabaho ako sa UN."

"At that time, maraming nahuhuli, kaya lumalabas lang kami ng bahay para magsimba every weekend."

"After two years, sinabi ko sa boyfriend ko sa Pilipinas, hindi pa ako handang bumalik. Ang plano sana, 2 years lang ako dito para tulungan yung youngest sister ko. Pero hindi pala enough ang 2 years."

"Tinanong ko ang boyfriend ko, kung ok lang sa kanya na mag-work sa bahay dito. Sa office kasi work namin sa Pilipinas, magka-officemate kami. Sagot niya kahit kargador, basta magkasama kami, masaya siya. Kasi mahal niya ako."

"Nagbayad kami ng same amount para sa pag-aayos ng papers niya."

"Pagdating niya dito, in less than 2 months, nakakuha na agad siya ng trabaho, nag-aalaga ng matanda."

"Pero kahit mahirap ang buhay, nakapag-adjust din kami. 13 years old na ngayon ang aming anak, dito siya pinanganak."

"Ang dasal naming mag-asawa kay Lord, sana magka-papel na kami. Yan sana ang aming pangarap."

-Geneva

Dumating ako sa Geneva 8 years ago. Lanao del Norte ang probinsiya namin, sa Mindanao. Gusto kong mag-abroad noon. Lima kaming magkakapatid, panganay ako. Gusto kong tulungan mga parents ko, pero ayaw nilang pumayag na sa Middle East ako mag-apply.

Nag-apply ako sa agency, Crown Travel ang pangalan. Gusto kong pumunta ng Australia. Kaso ang tagal ng waiting. Tapos, sabi nila may opening daw na private tutor sa Jeddah, in 2 weeks puwede nang umalis. Dahil qualified ako, inaplayan ko at natanggap.

Sa agency pa lang, nag-pirmahan na kami ng kontrata. Noong nasa airport na ako, saka inabot sa akin yung kopya ng contract na nasa envelope, tapos umalis na yung naghatid sa akin. Nang buksan ko, dalawang contracts na ang hawak ko sa magkaibang employer, iba na rin yung trabaho, household helper. Tinatawagan ko sa telepono yung manager ng agency, pero hindi na niya ako sinasagot.

Pagdating ko sa Jeddah, sinundo ako ng driver ng bagong amo ko. Taga-luto trabaho ko doon. May mga kasama akong ibang lahi na nagtatrabaho rin sa bahay. Kinakain namin kung anong tirang pagkain ng pamilya ng amo ko, mga buto. Laging naninigaw yung amo kong babae, saka nambabato ng plato at sinasabuyan niya ako ng baso ng tubig kapag nagagalit siya. Kinuha rin ng amo ko yung passport ko at telepono para no contact sa Philippines.

Minsan pumunta yung pamilya ng amo ko sa Montreux dito sa Switzerland. Tapos pinasunod ako kasi kulang daw ang taga-luto nila. Alam ng mga kasamahan ko na nahihirapan ako. Payo nila takasan ko na raw. May nakilala akong mabait na Pilipina sa elevator ng hotel. Umiyak ako kay ate at nagkwento sa kanya. Ipinakita ko sa kanya yung balikat ko na may sugat kasi minsan sinabuyan ako ng amo ko ng asido yata yun, pati damit ko, nasira.

May park malapit sa hotel na tinitirhan namin. May dalawang batang anak ang amo ko, doon ko sila pinapasyal. Sabi ni ate, may ilalagay siyang SIM card sa basurahan doon sa park, na kukuhanin ko. Yun ang gagamitin ko para makapag-usap pa kami. Takot na takot ako, baka malaman ng amo ko.

Binubuksan ko telepono ko sa gabi para puwede akong ma-kontak ni ate.

Naunang umalis ang amo ko pauwi ng Jeddah, susunod ako pagkatapos ng apat na araw. Bago sila umalis, binigyan nila ako ng kaunting pera, pang gastos at pambili ng souvenir, at ibinigay sa akin yung passport ko. Puwede na akong tumakas. Umuulan-ulan noon.

Tumawag ako sa Pilipinas, sinabi ko sa parents ko na tatakas ako papuntang Geneva. Pinagalitan ako, kasi nag-aalala sila. Baka sa kalye daw ako matulog. Pinauuwi na nila ako. Nagpilit pa rin ako.

Mula sa Montreux, sumakay ako ng train. Dahil sa takot at nerbiyos ko, sumakay ako na walang ticket dahil hindi ko alam paano gamitin ang machine, at dahil yun ang oras ng train na sabi ni ate. Ang nasa isip ko, baka maiwanan ako. Pero mali ang nasakyan ko, papuntang Yverdon sa kabilang direksyon. Dahil last trip ang nasakyan ko, wala nang biyahe. Natatakot na ako at umiiyak. May tumulong sa aking mama na nagtatrabaho sa SBB (kompanya na nangangasiwa sa train). Tinawagan ko si ate na nasa Geneva na, at nakausap niya yung mama. Sabi ng mama kay ate na kinabukasan na lang ng umaga niya ako ihahatid sa Geneva. Sabi pa niya na sabihan daw ako na kumalma. Kumalma naman ako, at nakarating ako sa Geneva.

Sa Geneva, may Pilipina na kaibigan ni ate na nakipagkita sa akin. Pansamantala akong natulog sa kanila. Tapos, may ibang kababayan din na tumulong sa akin. 9 days pa lang ako dito, nakakuha na ako ng trabaho. Nag-aalaga ng isang matanda. Tapos, yun nagtuluy-tuloy na.